Kakaiba itong si Bob Ong. Kilala mo ba sya? Nakakahiya mang sabihin dahil nga sa mundo ng mga manunulat at mahihilig magbasa, ang pangalang Bob Ong ay sikat, ngunit ngayon ko pa lamang kinikilala ang kakaibang manunulat na ito.
Naaalala ko, noong ako ay nasa Manila, Setyembre ng nakaraang taon, kasama ang kapwa mga myembro ng Philippine Marist Youth Council, nabanggit ng aking isang kasamahan, si Marky, na magaling na manunulat itong si Bob. Wala akong masyadong interes dahil nalaman ko mula sa nasabing kaibigan, si Marky nga, na ang panulat ni Bob ay sa wikang Filipino.
Dahil sa masyadong papuri ng aking kaibigan at para siya ay mapagbigyan na rin, bumili ako ng kopya ng isa niyang libro. Si Marky naman ay bumili rin, ngunit ibang libro. Nang sa gayon, pwede kaming maghiraman. O pwede siyang humiram dahil nga hindi naman talaga ako interesado. Ni hindi ko nga maalala ang title ng mga nasabing aklat.
Sumunod na araw, nakipagkita si Marky sa isa niyang kaibigan nang kami ay nasa airport pabalik sa GenSan. Aba, panatiko rin ni Bob Ong ang kaibigang ito, at binigyan si Marky ng kopya ng aklat na nagkataong pareho sa nabili nito nung nakaraang araw. Dahil nga wala naman akong pakialam, ipinagpalit namin ang isa sa parehong mga aklat niya at yung aklat na siya namang binili ko.
Nakalimutan kong bilhan ng pasalubong ang matalik na kaibigang si Bro Willy. At dahil kami ay nasa airport na, at dahil wala rin akong interes sa aklat ni Bob Ong, napagdesisyunan kong ibigay na lamang kay Bro ang aklat.
Hindi ko rin alam kung nabasa ni Bro ang aklat o kung ano ang reaksyon niya dito. Siya naman ay nagpasalamat. Period. Ngunit napag-alaman ko na may mga malalaswang salita na ginamit sa aklat, sabi ni Marky makalipas ang ilang buwan. Salamat at hindi ko alam ang reaksyon ni Bro.
Bago matapos ang nakaraang taon, napag-alaman ko na ang isa pang kaibigang si Eric ay panatiko rin ni Bob Ong. Aba! Magaling nga siguro ang manunulat na ito. Ngunit hindi pa rin ako nakahanap ng panahon, libro at pagkakataon upang mabasa ang kanyang mga gawa.
Nang magpadala si Ate ng mga aklat, napasama ang Stainless Longganisa, isa sa mga panulat ni Bob. Kagabi, sa kawalan ng magawa, o sa katamarang mag-aral, naisipan kong basahin ang aklat. Pero aking aaminin, ako'y nalalabuan kay Bob Ong. Paminsa'y natatawa ako. Paminsan nama'y hindi. Ngunit siya nga ay kakaiba.
Natawa man ako o hindi, isa ang sigurado at ito ang pinakaimportante para sa isang manunulat. Si Bob Ong ay nakaimpluwensiya sa akin bilang nagbabasa. At ito ay ang magsulat sa wikang Filipino!
Come on, ang hirap!!! Baka ito na ang huli. . .
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment